Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senadora Leila de Lima matapos pagsabihan si Senador Bong Go na tigilan na ang pagtatakip sa kanya matapos hindi magpakita sa publiko ng ilang araw.

Sa kanyang regular Talk to the People, kinuwestiyon ng Pangulo ang banat ni de Lima na pagtatakip umano ng senador sa kanya dahil wala naman itong nagawang krimen, di tulad nito na nakakulong dahil sa isyu ng illegal na droga.

“Alam mo halatang halata kayo,this Leila de Lima. Stop covering for what? Iyang pinasukan mo pa yong makakasira sa bayan natin,” ang banat ng Pangulo.

Tama lamang aniya na magtiis sa kulungan ang Senadora dahil binastos nito ang buong Pilipinas matapos mamayagpag ang illegal drug trade sa New Bilibid Prison habang siya ang nakaupong kalihim ng Department of Justice.

Sinabi ng Pangulo na nagpadala ang senadora sa kanyang ambisyong maging Pangulo kaya panay ang hingi ng pera pero nakalimutan ang Diyos.

“Pag binabastos nyo ako eh di babastusin ko rin kayo. Kagaya ni de Lima, eh tama yan sa yo. Magtiis ka! Ikaw nahuli ka because of your mad desire to be President. There’s a saying that you can have your dreams but its always God who disposes everything,” dagdag ng Pangulo.

Puro pag-iingay aniya ang ginagawa ng senadora para siraan siya pero hindi umubra sa anim na milyong Pilipinong bumoto sa kanya.

” Sige ka yawyaw diyan kung ano-anong pinagsasabi mo na hindi ko kaya. Bakit ikaw ba ang nag-elect sa akin? Did you elect me as President? I got my votes substantial one to make me a credible president, six million yan,” wika pa ng Pangulo.

The post Duterte gigil na naman kay De Lima first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-gigil-na-naman-kay-de-lima/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-gigil-na-naman-kay-de-lima)