Kinontra ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritikong patuloy na bumabatikos sa mga ginagawang pagtugon ng gobyerno sa problema sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng Pangulo na matapos ilabas ng World Health Organization (WHO) ang abiso patungkol sa COVID-19 ay agad binuo ang National Task Force Against COVID-19.

Mga eksperto aniya at mga matatalinong tao ang nasa task force kaya maling sabihin na walang ginagawa ang gobyerno para tugunan ang problema sa epekto ng mabagsik na virus .

“I’d like to just disabuse the mind na nagkulang tayo. Wala na kayong tinitingnan kundi yang kagaguhan ninyo. Hindi tayo nagkulang,” anang Pangulo.

Kung nagpatupad aniya ng lockdown, ito ay dahil sa payo ng mga eksperto sa medisina at sila ang higit na nakakaalam sa sitwasyong dinaranas ng bansa at maging ng buong mundo.

“I’m imposing the lockdown here and there, it’s because what the medical people say. Abogado ako, hindi naman doktor. Kung ano ang sabihin ni Secretary Duque eh yun ang susundin ko, siya yung Secretary of Health eh,” dagdag ng Pangulo.

Muling binigyang-diin ng Presidente ang problema sa kakapusan ng supply ng COVID vaccine sa buong mundo na aniya ay nakopo ng mayayamang bansa at kung ano ang matira ay siyang pinag-aagawan ng mga mahihirap na bansa.

Magtatagal pa aniya ang COVID pandemic at marami pang mamamatay dahil sa bagsik ng COVID-19.

“There’s no sufficient supply to inoculate the world. Matagal pa ito. Sabihin ko sa iyo marami pang mamamatay dito. Hindi ko lang maituro kung sino,” wika ng Pangulo.

The post Duterte: Hindi tayo nagkulang sa isyu ng COVID first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-hindi-tayo-nagkulang-sa-isyu-ng-covid/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-hindi-tayo-nagkulang-sa-isyu-ng-covid)