Maaaring i-take over ng pulis at militar ang operasyon ng mga hotel kung sakaling wala na talagang magamit na hospital beds dahil sa pagdami ng COVID cases.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ni Pangulo Rodrigo Duterte na maaari nitong utusan ang puwersa ng gobyerno kung wala na talagang ibang paraan.

Gayonman, hindi aniya ito ang naaayong remedyo sa bansang may demokrasya.

“When we are pushed to the wall, either by the microbe itself or by external, internal, I can always order the military and the police to go there and confiscate the operation of the hotels,’ anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na mangyayari lamang ito kung sasabihin ng mga eksperto na nasa kritikal na kundisyon na ang bansa at wala ng lugar para makagalaw ng ligtas at maayos ang mga doktor at nurse.

Magpapaalam naman aniya ito sa mga may-ari ng hotel na hihiramin muna ang kanilang mga hotel at pagkatapos gamitin ng mga pasyenteng may COVID ay lilinising mabuti ang mga ito tulad ng dati.

“Sabihin ko sa hotel, pasensya ka na. Kailangan ko yang hotel mo. Hiramin ko lang. And after that I will clean it up, spick and span, and I will decontaminate everything there like to its former glory,” dagdag ng Pangulo.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID cases ay punong-puno na ang mga hospital sa inilaang kama para sa mga COVID patient at marami ang naghihintay para ma-admit sa pagamutan.

The post Duterte: Mga hotel puwede gamitin ‘pag kinulang COVID bed first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-mga-hotel-puwede-gamitin-pag-kinulang-covid-bed/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-mga-hotel-puwede-gamitin-pag-kinulang-covid-bed)