Ligtas sa banta ng COVID-19 si Pangulong Rodrigo Duterte, batay sa kanyang huling swab test na negatibo ang resulta.

Ito ang inihayag ni Senador Bong Go matapos kumalat ang tsismis na nagkaroon ang pangulo ng mild stroke.

Sinabi ng senador na huling swab test ng Presidente noong Holy Week at walang indikasyong nahagip ito ng COVID-19.

“Regular naman pong nagpapa-swab test si Pangulong Duterte at sonfar naman po awa ng Diyos negatibo naman po kung pagbabasehan yung last swab test,” ani Go.

Sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na abala si Pangulong Duterte sa kanyang trabaho sa Bahay Pagbabago na nasa loob ng Presidential Security Group (PSG) compound.

“Nandiyan siya sa Bahay Pagbabago nagtatrabaho. Nailabas na naman yung picture na nagtatrabaho siya. Eh alam mo naman yang mga yan eh, wala namang magawa palagi na kang fake news ang ipinalalabas kay Presidente Duterte ” ani Panelo.

Bagamat nilimitahan ng PSG ang pagtanggap ng bisita ng Pangulo, sinabi ni Panelo na maaari namang makausap ito sa telepono kaya walang problema ang access sa kanya.

The post Duterte negatibo sa COVID test first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-negatibo-sa-covid-test/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-negatibo-sa-covid-test)