Sa Lunes, ang P22.9 bilyong pondo para sa cash o in-kind na ayuda sa mga residente sa NCR Plus habang may lockdown ay ibibigay na sa mga lokal na gobyerno.

Banggit pa ni Interior Undersecretary at officer-in-charge Bernardo Florece, Linggo, may 15 araw ang mga lokal na opisyal para ipamahagi ang tulong-pinansyal sa kanilang mga nasasakupan, habang 30 araw naman para sa in-kind.

Magugunitang unang sinabi ng Department of Budget and Management na sinumang kuwalipikadong indibidwal ay makakatanggap ng P1,000 ayuda, habang hanggang P4,000 kada pamilya.

“Ang bilin sa’tin ng presidente ay kung saan mas mabilis maipapamahagi ang ayuda,” ani Florece sa ABS-CBN’s TeleRadyo, Abril 4.

“‘Yung pondo, which is P22.9 billion na binigay ng DBM through Secretary Wendel (Avisado), ay naipasa na sa Bureau of Treasury. Tomorrow, it will be released to LGUs (local government units) directly na beneficiary,” lahad niya pa.

Nang tanungin naman kung may dagdag na ayuda ngayong pinalawig ang enhanced community quarantine sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal hanggang Abril 11, sinabi ng opisyal na itong ayuda ay “pang-isang beses” lang.

“Ang pinagkuhanan ng pondo ay ‘yung balance, ‘yung unutilized nung Bayanihan 2. Maliban dyan, wala na tayong pagkukuhanan ng pondo, unless there’s supplemental fund,” aniya pa.

Pwede aniyang gamitin ng LGUs ang mga hindi pa nila nagamit na pondo.

The post ECQ ayuda ibibigay sa LGU bukas – DILG first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ecq-ayuda-ibibigay-sa-lgu-bukas-dilg/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ecq-ayuda-ibibigay-sa-lgu-bukas-dilg)