Ipinanukala ni Deputy Speaker at Cavite Rep. Strike Revilla ang pagtatayo ng komisyon na mangangasiwa at magpapaunlad sa electronic sports sa bansa.

Sa kanyang House Bill 8801, sinabi ni Revilla na hindi maitatanggi ang pagiging popular ng Esports sa bansa hindi lamang bilang libangin kundi sa kompetisyon.

“This developing industry has drawn a revenue of US$24 million in the first half of the year for mobile Esports in the Philippines,” sabi ni Revilla.

Sa 2019 Southeast Asian Games, nanalo ng limang medalya ang koponan ng Pilipinas sa Esports competition.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo ang Philippine Esports Commission na siyang mangangasiwa at magpapalago sa Esports sa bansa.

Ang komisyon ay pamamahalaan ng Board of Trustees na bubuohin ng kalihim ng Department of Education (DepEd) bilang chairperson, kalihim ng Department of Tourism (DOT) bilang vice-chairperson, at kalihim ng Department of Information and Communication Technology (DICT), at mga chairperson ng Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at Philippine Esports Commission, at dalawang kinatawan mula sa pribadong sektor.

The post Esports Commission tinutulak ni Revilla first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/esports-commission-tinutulak-ni-revilla/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=esports-commission-tinutulak-ni-revilla)