Hindi umano tutol si House Senior Deputy Minority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa Ivermectin kundi sa maling paggamit ng nasabing gamot.

Ayaw umano ni Garin na maniwala ang mga tao na gagaling sila sa COVID-19 kung iinom ng Ivermectin dahil wala pang ganitong siyentipikong batayan.

“Lahat tayo gusto nang matapos ang pandemyang ito. Lahat tayo gusto na natin gumaling ang mga may COVID-19 pero huwag natin ipilit ang napanood o nabasa natin sa YouTube lang o sa kung sino lang. Let us not place our faith in a product which has not been scientifically proven to cure or prevent COVID-19,” ani Garin.

Naiintindihan umano niya na mayroon ng mga taong desperado lalo at mahigit isang taon na ang quarantine.

“Ayaw ko din na magamit ito sa panloloko at pagbibigay ng pag-asa sa mga kababayan natin tapos sa dulo mas makakasama pa pala ito,” wika pa ni Garin.

Ipinaliwanag ni Garin na maaaring magbigay ang Food and Drug Administration (FDA) ng Compassionate Special Permit (CSP) para sa mga gamot na dumaan na ng Phase I at Phase II clinical trial alinsunod sa Administrative Order 2020-0028.

Ang gamot na binigyan ng CSP ay dapat nagsasagawa rin ng Phase IIIA clinical trial.

“Ang CSP ay binibigay sa mga taong sobrang kritikal na at gagamitan na lang ng investigational drug na hindi karaniwang ginagamit pero at least ay may posibilidad na makatulong ayon sa Phase I and II trials nito,” ani Garin.

Sa pagbibigay ng FDA ng CSP sa isang ospital para gumamit ng Ivermectin, nais malaman ni Garin kung sumunod ba ito sa proseso.

“If there is an ongoing trial, where is it? Is the Philippines even a part of it? Are we using the same source, dosage, preparation and indication?” tanong ni Garin.

Sinabi ni Garin na hindi rin tama na hindi pangalanan ni Domingo ang ospital na nabigyan ng CSP dahil ito ay magagamit ng mga doktor na nais gumamit ng naturang gamot sa kanyang mga pasyente.

Umaasa si Garin na ginawa ng FDA ang mandato nito at hindi bumigay lamang sa pressure ng mga nais gamitin ang Ivermectin.

“Ang taong desperado, minsan nagbabalak tumalon sa tulay. Dapat gabayan natin at ituro ang tamang landas. Hindi natin pwedeng tanggapin ang hinaing niya na ‘karapatan niyang gawin ang gusto niya’ dahil alam nating hindi ito makakabuti sa kanya,” wika pa ng dating kalihim ng Department of Health.

The post Garin hindi tutol sa Ivermectin kundi sa maling paggamit nito first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/garin-hindi-tutol-sa-ivermectin-kundi-sa-maling-paggamit-nito/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=garin-hindi-tutol-sa-ivermectin-kundi-sa-maling-paggamit-nito)