Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at iba pang institusyon upang paigtingin ang mga hakbang laban sa “distance cheating”.

Ani Gatchalian, kung hindi wawakasan ang pandaraya sa distance learning tulad ng “sagot-for-sale” scheme ay lalong hindi matututo ang mga estudyante.

“Kung hindi natin wawakasan itong sagot for sale at iba pang anyo ng pandaraya sa distance learning, lalong hindi matututo ang mga mag-aaral,” sambit ni Gatchalian sa inilabas na pahayag nitong Sabado.

“At kapag nalusutan nila ito sa unang pagkakataon, uulit-ulitin na nila ang ganitong pandaraya. Dekalidad na edukasyon ang nakasalalay dito,” dagdag niya.

Isiniwalat ni Gatchalian ang “sagot-for-sale” kung saan nagbabayad ang mga magulang para sa sasagot sa modules ng kanilang mga anak.

Maliban sa pagsagot aniya sa mga module, kabilang sa mga “academic cheating service” ang pagsulat ng research paper at essay, at video editing.

Hindi lamang mga elementary student ang sangkot sa “academic cheating” kundi aniya mga mag-aaral sa high school at kolehiyo.

The post Gatchalian sa DepEd: ‘Distance cheating’ sugpuin! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-sa-deped-distance-cheating-sugpuin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-sa-deped-distance-cheating-sugpuin)