Matapos maiulat ang pagkamatay ng limang kawani ng Department of Education (DepEd) sa Isabela, hinikayat muli ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan, kabilang ang DepEd, na itaguyod ang kapakanan ng mga guro sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Kabilang sa pangangalaga sa kapakanan ng mga guro, ayon kay Gatchalian ay ang mahigpit na pagpapatupad ng alternative work arrangement, ang pagtiyak sa access nila sa sa COVID-19 testing, pagpapagamot para sa mga mahahawaan ng virus, at ang pagbibigay prayoridad sa mga guro sa vaccination program ng pamahalaan.

Noong nakaraang taon ay iniulat ng DepEd na ang mga guro at mga kawani nito ay suportado ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Hatid naman ng Employees’ Compensation Commission ang Employees’ Compensation Program na nagbibigay ng iba’t-ibang mga benepisyo para sa mga kawaning nagkasakit, napinsala, o pumanaw sa gitna ng trabaho.

Ayon naman sa School Division Office ng Isabela, nakipag-ugnayan na ito para sa mga naiwang pamilya ng mga pumanaw upang magpahatid ng agarang tulong at mabilis na maibigay ang mga benepisyong nakatakda nilang matanggap.

Paliwanag ng DepEd, ang mga naiulat na kaso ng COVID-19 ay nagmula sa mga komunidad at walang kinalaman sa trabaho.

May ilang grupo naman ng mga guro na hinihimok ang DepEd na magpaabot ng tulong pinansyal sa mga guro at kawaning nagkakasakit dahil sa COVID-19, lalo na’t ayon sa mga naturang grupo, ang mga gurong tinamaan ng COVID-19 ay hindi naman nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan.

Ayon pa sa mga grupong ito, kung may mga tulong mang naipaabot sa mga nagkasakit ay mula sa personal na ambagan ng mga guro at personal na tulong mula sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.

“Habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, lalong dapat paigtingin ng DepEd ang pag-aalaga sa ating mga gurong isinasakripisyo ang kanilang kaligtasan at kalusugan upang maipagpatuloy ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral,” sabi ni Gatchalian.

“Kailangang tiyakin sa ating mga guro na may agarang tulong na maipapaabot sa kanila kung sakaling sila ay magkasakit,” dagdag pa ng chair ng Senate committee on basic education, arts and culture.

The post Gatchalian sa DepEd: Pangalagaan ang mga guro first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-sa-deped-pangalagaan-ang-mga-guro/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-sa-deped-pangalagaan-ang-mga-guro)