Namemeligro ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan dahil sa napipintong brownout sa mga susunod na buwan sa malaking panig ng Luzon, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Batay sa analysis at report na nakarating sa tanggapan ng senador, malaki aniya ang posibilidad na magkaroon ng red alert, na ang ibig sabihin ay magkakaroon ng brownout sa iba’t ibang parte Luzon.

“Nakita ko na dalawang bagay kung bakit. Unang-una, maraming planta ang bumagsak at maraming planta ang hindi nakabalik agad,” pahayag ni Gatchalian, chair ng Senate committee on energy sa panayam sa DZBB.

Sa Martes, magsasagawa ng pagdinig ang komite ni Gatchalian para alamin ang power demand at supply outlook ngayong summer.

“Titingnan namin ang dahilan kung bakit sila bumagsak at ang iba hindi nakabalik agad. Ibig sabihin, umimpis ang suplay ng kuryente natin so ‘yun ang isang dahilan,” ani Gatchalian.

Dahil sa nararanasang tag-init, sabi ni Gatchalian, tumaas aniya ang demand ng kuryente at posibleng magkaroon ng red alert sa mga susunod na linggo at hindi aniya ito maganda dahil sa panahon na pagbibigay ng bakuna laban sa COVID-19.

“Nakita natin na itong mga bakuna natin ay sensitive, kailangan ng refrigerator below 20 degrees. At ang actual na vaccine kailangan ng refrigerator so kung walang kuryente, wala pong refrigerator,” ani Gatchalian.

Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na paparating na ngayong buwang ito at sa Mayo ang mga bakunang inorder sa iba’t ibang drug manufacturer at malaki aniya ang posibilidad na magkaroon ng brownout ngayong Mayo at Hunyo.

“Malaki ang posibilidad na magkaroon tayo ng brownout this coming May and early part of June. Dahil sa init at in fact napakainit talaga,” ani Gatchalian.

“Ang worry ko lang talaga at ang aking concern ay ang vaccination program dahil padating na, in fact nakita ko ang report ni General Galvez padating na ang mga vaccines natin this coming week at ang mga susunod na bakunang darating, ito pa ang mga sensitibo,” sambit pa nito.

The post Gatchalian: Vaccine rollout delikado sa brownout first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-vaccine-rollout-delikado-sa-brownout/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-vaccine-rollout-delikado-sa-brownout)