Pumapatak sa mahigit P5.4 bilyon ang mawawalang revenue sa gobyerno sa siyam na buwan kung ipapatupad ang limang porsiyentong pagbaba sa taripa ng imported na baboy, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

Sa pagtataya ng Bureau of Customs, sabi ni Lacson, inaasahang kikita ang pamahalaan mula Abril hanggang Disyembre ng taong 2021 ng P6.1 bilyon mula sa taripa ng imported na produktong baboy kung mananatili sa 30% tri rate for “in-quota” importation at 40% sa “in-quota” importation.

Pero dahil sa Executive Order 128 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbababa sa taripa ng imported na baboy, babagsak sa P2.5 bilyon na lamang ang makokolektang buwis sa bagong paiiralin na 5% to 10% at 15% to 20% tariff rates.

“Samakatuwid, dahil sa pagbababa ng taripa, nasa P3.6B ang inaasahang mawawala sa gobyerno. Base pa rin sa isang ‘simulation’ na isinagawa ng Bureau of Customs, maaaring tumaas pa sa P5.4B ang mawawala sa loob lamang ng 9 na buwan,” pahayag ni Lacson sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa isyu ng food crisis.

Kasabay ng pagbaba ng taripa base sa EO 128, sinabi ni Lacson na tila minadali ring itaas ang volume ng allowable importation ng pork products sa bansa.

“Let me be clear: the policy to increase the volume of imported pork requires legislative action, as provided under Section 6 of RA 8178 otherwise known as the Agricultural Tariffication Act, and I quote:

“In case of shortages or abnormal price increases in agricultural products, whose quantitative restrictions are lifted under this act, the President may propose to Congress revisions, modifications or adjustments of the minimum access volume (MAV): provided, however, that in the event Congress fails to act within fifteen (15) days from receipt of the proposal, the same shall be deemed approved,” ayon sa sendor.

Sabi ni Lacson, noong Marso 26, 2021, nakatanggap ang Senado ng rekomendasyon mula sa presidentes para sa dagdag na Minimum Access Volume (MAV) para sa pork importation na 350,000 MT mula sa kasalukuyang 54,210 MT lamang. Katumbas ito ng 650% na dagdag sa allowable volume ng pork import sa kasalukuyan.

Naksaad umano sa batas na may 15 araw ang Kongreso para aksyunan ang naturang rekomendasyon pero dahil nagpaso na ito, lumalabas ang panukalang dagdagan ang MAV para sa pang-angkat ng baboy ay “deemed approved” na.

“How can Congress take plenary action when we cannot hold sessions since we are on recess? Did the President even attempt to call for a special session of Congress so we can act on this recommendation increase or adjust the MAV?” tanong ni Lacson.

“Hindi ba kaduda-duda na isinumite ang nasabing rekomendasyon sa Senado noong March 26 – ang huling araw ng sesyon sa Kongreso bago mag Semana Santa, at walang session hanggang May 16?” dagdag pa nito.

Dahil a bagong polisya sa importasyon, sinabi ni Lacson na mas lalaki pang hindi hamak ang kikitain ng mga tiwali at korap na opisyales sa “tong-pats” sa importasyon ng karneng baboy na ayon na rin sa ilang reliable and highly-placed sources nito sa loob mismo ng kagawaran ay pumapalo sa ngayon sa P5 to P7 kada kilo sa umiiral na 30% at 40% tariff rates.

“Magkano na kaya ang magiging kalakaran sa lagayan kapag 5% na lamang ang dating 30% sa in quota at 15% na lang ang dating 40% sa out-quota importation at least sa loob ng 3 buwan?” ani Lacson.

The post ‘Gobyerno malulugi ng P5.4B sa pagbaba ng taripa sa pork import’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gobyerno-malulugi-ng-p5-4b-sa-pagbaba-ng-taripa-sa-pork-import/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gobyerno-malulugi-ng-p5-4b-sa-pagbaba-ng-taripa-sa-pork-import)