Stranded ang halos sanlibong pasahero sa mga daungan sa Bicol habang papalapit sa nasabing rehiyon ang Bagyong Bising.

995 biyahero na patungo sanang Visayas at Mindanao ang nananatili muna sa mga seaport sa Kabikolan, ayon kay Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng Office of Civil Defense Bicol.

Bukod dito, grounded din aniya ang 192 truck, 116 kotse, 20 maliliit na bangka, 11 bus, at pitong sea vessel sa mga daungan sa Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Masbate, at Catanduanes.

Una nang kinansela ng Philippine Coast Guard ang sea travel sa maraming pantalan bilang pag-iingat sa nasabing bagyo.

Ayon sa huling bulletin ng Pagasa, namataan si Bising sa 375 kilometro silangan ng Juban, Sorsogon o 345 km silangan ng Virac, Catanduanes.

Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 20 kilometers per hour, taglay ang lakas ng hangin na 215 kph at pagbugsong 265 kph.

The post Halos 1K biyahero sa Bicol stranded kay ‘Bising’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/halos-1k-biyahero-sa-bicol-stranded-kay-bising/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=halos-1k-biyahero-sa-bicol-stranded-kay-bising)