Hindi umano dapat mawala sa mabibigyan ng karagdagang benepisyo ang libu-libong medical frontliners ng bansa na patuloy na nagsasakripisyo upang labanan ang rumaragasang pandemya.

Ito ang sinabi ni Senador Joel Villanueva, chair ng Senate labor committee, bilang pagkilala sa hindi ordinaryong katapangan at katapatan ng mga healthcare workers sa kanilang mga tungkulin.

Ayon sa senador, ibayong pagkilala umano ang nararapat na ibigay ng gobyerno sa mga healthcare workers ng bansa na pilit na bumabangon araw-araw para salubungin ang panganib na dala ng COVID-19.

“Ang pakiusap ko po sa Palasyo, sa Mayo Uno ay unahin po natin ang mga manggagawa sa kalusugan,” apela ni Villanueva.

Sabi nito, tradisyon na ang magbigay ng pahayag ang pamahalaan tuwing Mayo Uno o Labor Day upang parangalan ang mga manggagawang Pilipino at maghayag ng karagdagang benepisyo.

Ani Villanueva, nararapat lang na kilalanin ng gobyerno ang mga healthcare workers sa bansa dahil literal na nasa kamay nila ang buhay ng mga Pilipino.

“Napaka-delikado ng kanilang propesyon. Pupunta ka lang sa hospital para mag-alaga ng isang pasyente ng COVID-19, pero pwede mo na itong ikamatay o maging dahilan ng malubhang karamdaman,” ayon sa senador.

Hinimok din ni Villanueva ang pamahalan, partikular ang Department of Health and Department of Labor and Employment, na magbalangkas ng panibagong package o benepisyo sa mga public health workers at bigyan ng good news ang mga ito sa Mayo Uno.

Ang “base pay” ng mga health workers sa gobyerno ay itinakda ng pinakahuling Salary Standardization Law, samantalang ang kanilang mga benepisyo tulad ng allowances ay nakapaloob sa RA 7305 o ang tinatawag na Magna Carta of Public Health Workers.

Ilan sa mga benepisyo sa ilalim ng Magna Carta na ito ay ang pagbibigay overtime pay, night shift differential, hazard allowance, subsistence allowance, longevity pay, laundry allowance, remote assignment allowance at iba pa.

Sa panahon ng pandemya, ang mga health workers sa pampublikong sektor ay nakatanggap din ng Special Risk Allowance na P5,000 sa ilalim ng Bayanihan I Law at Administrative Order No. 36.

The post Health workers isama sa labor day package – Villanueva first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/health-workers-isama-sa-labor-day-package-villanueva/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=health-workers-isama-sa-labor-day-package-villanueva)