Ipinamamadali ng isang mambabatas sa Kongreso ang pagpasa ng batas na magpapataw ng P100,000 multa sa mga nuisance candidate at kanilang mga kasabwat.

Umaasa si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento na maihahabol ang pagpasa sa House Bill 91 bago ang paghahain ng Certificates of Candidacy (CoC) sa Oktobre.

Ayon kay Sarmiento mayroong mga politiko na gumagamit ng mga nuisance candidate upang lituhin ang tao gaya ng pagpapatakbo sa mga tao na kapangalan ng kanilang kalaban sa halalan.

Bagamat sa ilalim ng Omnibus Election Code ay mayroong kapangyarihan ang Commission on Elections na tanggalin ang mga nuisance candidates wala umanong kaparusahang naghihintay sa mga ito. Hindi rin umano maitatanggi na mayroong mga nuisance candidates na nakalulusot lalo na sa lokal na halalan.

“There is a reasonable need to employ more measure to deter the practice of indiscriminately filing a certificate of candidacy just to mock the election or to attempt to shave off the votes of certain candidates,” ani Sarmiento.

Sa ilalim ng panukala, pagmumultahin ng P100,000 ang mga nuisance candidate at kanilang kasabwat.

Isinusulong din ni Sarmiento ang House Bill 92 upang madiskuwalipikang tumakbo ang mga taong nahatulan ng korte sa kaso ng korupsyon kahit nakaapela pa ang desisyon.

The post Hebigat na multa sa nuisance candidate pinamamadali first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hebigat-na-multa-sa-nuisance-candidate-pinamamadali/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=hebigat-na-multa-sa-nuisance-candidate-pinamamadali)