Binatikos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang China dahil sa patuloy na pananatili ng mga barko nito sa karagatan ng Pilipinas sa kabila ng panawagan na umalis na.

Anang Defense chief, maraming dapat ipaliwanag dito ang Chinese Ambassador to the Philippines.

Aniya, nananatili pa ang 44 Chinese vessel sa Julian Felipe Reef sa Palawan.

“The Chinese Ambassador to the PH has a lot of explaining to do. There are still 44 Chinese vessels that are in Julian Felipe Reef,” tweet ni Lorenzana ngayong Sabado.

Wala na aniyang maaaring idahilan pa ang China dahil maayos na ang lagay ng panahon kaya dapat nang lumayas sa Pilipinas.

“I am no fool. The weather has been good so far, so they have no reason to stay there. These vessels should be on their way out. Umalis na kayo diyan,” dagdag niya.


Magugunitang sa halip na bumalik sa China ay lumipat sa Kalayaan Group of Islands ang mga Chinese vessel na naunang sumilong sa Julian Felipe Reef.

Marso 22, kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines ang presensiya ng mahigit 200 barko ng China sa Julian Felipe Reef.

Nagdahilan ang China na naroon ang mga sasakyang-pandagat nila upang makisilong dahil sa masamang panahon.

Matapos namang maghain ng protesta ang Department of Foreign Affairs ay umalis ang aabot sa 200 Chinese vessel subalit may ilan pang naiwan sa lugar.

The post Hindi ako tanga: Mga barko ng China pinalalayas ni Lorenzana first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/maganda-na-panahon-mga-barko-ng-china-pinalalayas-ni-lorenzana111/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=maganda-na-panahon-mga-barko-ng-china-pinalalayas-ni-lorenzana111)