Sabi ni DILG Undersecretary Martin Diño, kailangan na munang kumuha ng permit mula sa lokal na gobyerno bago makapagtayo ang sinuman ng isang community pantry.

Ito ay kahit pa hindi naman isang demonstrasyon o business for profit ang mga community pantry. Ayon sa opisyal, kailangan ang permit para matiyak na maipatutupad ang mga health protocol kontra COVID-19.

“I think now they need a permit from the local, from the mayor or the barangay,” ani Diño sa ANC, Martes.

“Why? Sa una, paisa-isa lang ‘yan. Ngayon, dahil ibrinoadcast na ng ating mga malalaking television network itong napaka-noble na inumpisahan dito sa Maginhawa, kaso dinumog na ng tao. Ibig sabihin, hindi na makontrol.”

“Wala nang kontrol, at pati ‘yung [COVID-19] protocol ngayon ay na-violate na. ‘Yun lang naman ang iniingatan natin eh: huwag ma-violate ‘yung protocol, dahil instead na nagbibigay ka ng pagkain, baka mamaya ‘yan pa ang mag-trigger para magkahawa-hawa,” paliwanag pa niya.

Nagsulputan ang community pantries sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan libreng makakukuha ng pagkain ang sinumang mangailangan at malaya ring nakapagbibigay ang sinumang kayang mag-donate.

Pero pansamantalang tinigil ni organizer Ana Patricia Non ang operasyon ng unang community pantry, ang Maginhawa Community Pantry, dahil sa nagaganap na red-tagging.

The post I think kailangan na ng permit ng community pantry – DILG usec first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/i-think-kailangan-na-ng-permit-ng-community-pantry-dilg-usec/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=i-think-kailangan-na-ng-permit-ng-community-pantry-dilg-usec)