Sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinadya niya ang hindi pagpapakita sa publiko nang dalawang linggo.

Ito ang inihayag ng Pangulo matapos tuldukan ang mga haka-haka at tsismis na nagkaroon ito ng mild stroke at may problema sa kalusugan matapos magpakita sa publiko.

Sa kanyang regular na Talk to the People, sinabi ng Pangulo na lalo siyang nang-iinis o nang-aasar kapag kinakalkal o binabantayan ang mga ginagawa nito.

“Noong nawala ako ng ilang araw, talagang sinadya ko yon, ganoon ako eh. Pagka kinakalkal mo ako lalong –yong parang bata. Pagka lalo ko akong kinakantiyawan eh mas lalo akong gagana,” anang Pangulo.

Binanggit ng Pangulo ang post ng kolumnistang si Ramon Tulfo sa social media na isa sa mga nagdudang may malubhang sakit ito dahil sa pagkawala ng ilang araw.

“Well Mon, you’ve been my friend for a long time, nag-abot pa tayo sa Ateneo de Davao noon. Now kung sabihin mo may sakit ako, may sakit ako. Pero kung sabihin mo na maysakit ako ngayon that would prevent me from exercising the powers of the presidency, wala ho,” dagdag ng Pangulo.

Sinagot na rin ng Presidente ang mga puna ng kritiko sa madalas na pag-uwi nito sa Davao City sa halip na manatili sa kanyang official residence sa Malacañang.

Ayon kay Pangulong Duterte magagawa niyang umuwi sa Davao City kung gusto niya dahil nasa Davao ang kanyang tahanan at hindi aniya pera ng gobyerno ang ginagastos nito sa kanyang pag-uwi.

“The people must know that I am a resident of Davao City. I never pretended to be a resident of Sampaloc or Sta. Ana. If I want to go home there on reasonable basis, I can because that is my home,” wika ng Pangulo.

Matatandaang umikot sa social media ang mga haka haka na nagkasakit ng malubha ang Presidente matapos ilang araw na wala itong public appearance.

Nagsalita rin ang Presidential Security Group na siyang nangangalaga sa seguridad at kaligtasan ni Pangulong Duterte na hindi muna nila pinayagan ang mga pampanguluhang aktibidad nito dahil marami sa kanilang personnel ang nagpositibo sa COVID-19 at ayaw nilang makompromisyo ang kalusugan ng Presidente sa bagsik ng COVID-19.

The post Ilang araw na no show sinadya ko – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ilang-araw-na-no-show-sinadya-ko-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ilang-araw-na-no-show-sinadya-ko-duterte)