Parang wala umanong natutunan ang ilang lokal na pamahalaan sa pamimigay ng ayuda at naulit ang kaguluhan na naranasan nang unang mamigay ng ayuda noong nakaraang taon.

Ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong, napatunayan ng ilang local government units (LGUs) na maaari ang door-to-door cash distribution o pamimigay nang nakasusunod sa health protocols.

“We’ve been in this situation in the past and it seems like we have not realized that chaos is not far behind if we do this system of distribution. It would have been easier and safer for everyone if the cash distribution is done door-to-door, or through virtual banks and virtual wallets, since LGUs already know the names and addresses of their priority target beneficiaries,” ani Ong.

Sinabi ni Ong na natural at inaasahan na dudumugin ang pamimigay ng ayuda dahil marami ang nangangailangan ng tulong.

Punto ni Ong, isinara ng gobyerno ang maraming negosyo pero pinabayaan naman nitong lumabas ang mga taong kukuha ng ayuda na naglalapit sa kanila sa panganib ng COVID-19.

Sa inilabas na Joint Memorandum Circular No. 1, s. 2021 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND), binigyan ng laya ang mga LGUs na mamili ng gagamiting paraan sa pamimigay ng ayuda.

Sa halip na bigyan ng laya, sinabi ni Ong na makabubuti kung gagawa ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ng distribution system template na susundin ng mga LGU.

“The key to survive this pandemic is to be able to adapt and learn from our past mistakes. This ECQ part 2 showed us that we did not seem to have learned anything from the first ECQ. Seeing this long queue of people waiting for their turn to get a measly P1,000 is completely unacceptable,” dagdag pa ni Ong.

Dapat din umanong disiplinahin ng IATF ang mga opisyal ng LGU na nagpapahirap sa pagkuha ng ayuda at hindi naipatutupad ang health protocols sa pamimigay.

Samantala, nanawagan si Ong sa IATF na dinggin ang hinaing ng mga frontline healthcare workers na nagrereklamo sa delay o pagkabigo na makuha ang kanilang Special Risk Allowance.

“Sana naman suklian natin ang sakripisyo nila sa pamamagitan ng maayos at hindi naaantalang pagbibigay sa kanilang special risk allowance,” wika pa ni Ong

The post ‘Ilang LGU hindi na natuto sa pamimigay ng ayuda’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ilang-lgu-hindi-na-natuto-sa-pamimigay-ng-ayuda/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ilang-lgu-hindi-na-natuto-sa-pamimigay-ng-ayuda)