Pinahihinto ni Senadora Imee Marcos ang Department of Health (DOH) sa bago nitong panuntunan na hahadlang sa mga pribadong kompanya sa pagbili ng mga bakuna ng COVID-19 na dagdag sana sa limitadong suplay ng gobyerno at mapabilis ang maramihang pagbabakuna.

“Maoobliga tuloy ngayon ang mga kompanya na mag-isyu ng Certificate of A4 Eligibility sa ilalim ng National Vaccine Deployment Plan (NVDP), na mag-aalis sa ilang mga empleyado mula sa prayoridad na mabakunahan kahit pa ang produkto o serbisyo ng kanilang kompanya ay essential o mahalaga tulad ng pagkain, pharmaceutical at transportasyon,” pagbubunyag ni Marcos.

Sabi ng senadora, A4 ay tumutukoy sa grupo ng mga prayoridad na mabakunahan kasunod ng healthcare worker, senior citizen at mga taong may comorbidity o mga sakit na maaring magpalubha sa impeksyon ng Covid-19.

Ang updated na NVDP ay magkakaroon ng 13 sub-classes para sa A4 na binubuo ng frontline worker mula sa pribadong sektor at gobyerno, overseas Filipino worker (OFW) na may kaparehong trabaho, at ang bago sa listahan na mga religious leader.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, na ang Certificate of A4 Eligibility ay magdudulot lang ng diskriminasyon sa mga manggagawa at magiging sanhi ng kalituhan, sama ng loob at kaguluhan hindi lang sa mga kompanya kundi maging sa mga lokal na pamahalaang naatasang magsagawa ng pagbabakuna sa buong bansa.

“Hindi natin muling mabubuksan ang ekonomiya kung mismong DOH ang nagsasara ng pinto. Sa dami ng sub-classes ng A4, dapat pa ngang bigyang insentibo ng DOH ang mga pribadong kompanya na magbabakuna sa kanilang rank and file, para muling makapagbukas ang mga negosyo ng maayos at makarekober ng mabilis,” sabi ni Marcos

“Hindi dapat talikuran ng LGU ang mga OFW kahit hindi sila makapag-presenta ng kaparehong certificate bago makakuha ng bakuna. Hindi rin naman tinukoy ng DOH kung sino ang mag-iisyu ng certificate sa kanila,” saad pa nito.

Una nang tinangka ng DOH na pigilan sa pagbili ng bakuna ang mga manufacturer ng tobacco, alcohol, milk substitutes, at iba pang produktong tinuturing na kontra o salungat para sa kalusugan ng publiko, pero di ito pinaburan ni Pangulong Duterte matapos na rin na isiwalat ni Marcos ang planong ito na nasa administrative order na binuo ng nasabing ahensya.

The post Imee Marcos: Mga kompanya dismayado sa patakaran sa pagbili ng bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imee-marcos-mga-kompanya-dismayado-sa-patakaran-sa-pagbili-ng-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=imee-marcos-mga-kompanya-dismayado-sa-patakaran-sa-pagbili-ng-bakuna)