Dapat unahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagji-jetski patungo sa katubigan ng Pilipinas na inaangkin ng China, kaysa ang jogging o golf.

Sey ito ni Alessandra de Rossi sa Twitter kagabi.

Bago ito, nag-tweet ang aktres hinggil sa panibagong 11,681 kaso ng COVID-19 na naitala sa bansa kahapon.

“11k cases naman. Di bumababa. Lord, heal us and lead us. Golf muna ako,” sey ni Alessandra.

Tinanong siya ng isang netizen kung “ano ba mas okay unahin, jogging or golf?”

Magugunitang habang kinukuwestiyon ng madla kung bakit hindi pa rin nagpapakita sa publiko ang pangulo ay naglabas ang isang senador ng mga walang-petsa na larawan ni Duterte na nagja-jog, naglalaro ng golf, at nakasakay sa isang motorsiklo.

“Jetski. Ang usapan ay usapan. Doon tayo,” sagot naman ni de Rossi, na pasaring sa pangako noong 2016 ni noo’y presidential candidate Rodrigo Duterte na sasakay siya ng jet ski para itanim ang watawat ng Pilipinas sa Spratly Islands at igiit ang soberanya ng bansa laban sa panghihimasok ng China.

Makalipas ang dalawang taon niyang panunungkulan, 2018, sinabi ni Pang. Duterte na “nonsense” at “just talk” lang ang naturang pahayag niya at “nagulat ako na naniwala kayo.”

The post Jetski promise ni Digong ‘di pa limot ni Alessandra first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/jetski-promise-ni-digong-di-pa-limot-ni-alessandra/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=jetski-promise-ni-digong-di-pa-limot-ni-alessandra)