Bibili lang sana ng tubig ang isang lalaki sa General Trias, Cavite, pero pumanaw siya matapos makaranas umano ng matinding pagod sa parusang ipinataw sa kanya ng otoridad dahil sa paglabag niya sa curfew.

Sa Facebook post ni Adrian Luceña, kinilala ang biktima na si Darren Manaog.

Ayon kay Luceña, hinuli ng mga pulis si Manaog noong Huwebes ng gabi, Abril 1, dahil “bumili pa kasi sya ng tubig” kahit “curfew hour na.”

Kinuwento aniya ni Darren na ang mga nahuli na lumabag sa curfew ay “pinag-pumping” nang 100 beses, pero dahil hindi sila sabay-sabay ay makaulit silang pinaulit ng otoridad.

“Tapos sabi nya po pinagpumping sila ng 100x kailangan sabay-sabay kaya nakailang ulet sila. Sabi niya nasa 300 daw nagawa nila. Ito po ay nangyare sa MUNISIPYO NG MALABON, GENERAL TRIAS, CAVITE,” wika ni Adrian, kalakip ang angry face emoji.

Inumaga na umano ng uwi si Darren, at makalipas ang ilang oras ay kinombulsyon, nahimatay, at nasawi kalaunan.

“Umuwi po siya ng Friday ng 8:00 ng umaga hindi na sya makalakad ng maayos. Tapos Sabado ng madaling araw nag-comvulsion siya, na-revive pa namin siya sa bahay. Sinumpong ulet siya, na-revive ulet kaya lang comatose na siya. Hanggang ngayong 10:00 pm wala na,” ani Luceña, kalakip ang umiiyak na emoji. “Tapos sinabi rin niya sa’kin na ilang beses pa siyang natumba habang pinagpapa-pumping sila.”

Hustisya ang panawagan ng kaanak ni Darren.

“Kuya paalam na. Mahal na mahal ka namin. Hindi kami papayag na hindi mabigyan ng hustisya ang pagkawala mo,” dagdag niya.

Samantala, sa isang Twitter thread, kinundena ng Panday Sining Cavite ang anila’y “kabulastugang ginawa ng mga kapulisan” kay Manaog.

“Sa humahabang araw ng ECQ (enhanced community quarantine), hindi lamang inepektibo ang militaristikong lockdown ni [Pang.] Duterte bagkus pinapalala nito ang pasistang pamamalakad na nagpapahamak sa mga mamamayan. Kailangan panagutin ang mga kapulisan sa kahayupang kanilang ipinapamalas,” saad pa ng grupo.

Isinailalim ng gobyerno sa ECQ ang NCR Plus — ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal — hanggang Abril 11 dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

The post Kelot huli sa curfew, 300 beses pinag-pumping, dedo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kelot-huli-sa-curfew-300-beses-pinag-pumping-dedo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kelot-huli-sa-curfew-300-beses-pinag-pumping-dedo)