Umapela si Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin sa Malacañang, Department of Finance, at Department of Transportation na gamitin na nito ang kita ng PAGCOR mula sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) para sa libreng RT-PCR COVID-19 testing ng mga driver na bumibiyahe patungong probinsya.

Kasama rin aniya sa dapat na libreng ma-test ay ang mga na-stranded na pasahero sa mga pantalan, paliparan at transport terminal.

Kasunod ito ng pagtukoy ng solon na noong nakaraang linggo halos 80 pasahero ng mga kolorum na sasakyang patungong Bicol Region mula NCR ay nagpositibo sa COVID-19.

“Ganyan ang resulta kapag walang libreng testing, magpapalusot ang marami. Pero kung libre naman ang testing, lahat yan kusang-loob na magpapa-test,” ayon sa solon.

Ayon kay Garbin, tutal patuloy naman umano ang operasyon ng POGO sa kabila ng iba’t ibang community quarantines na ipinatupad ng pamahalaan noong nakaraang taon at maging ngayong taon nangangahulugan na may kita rin ang PAGCOR at kaya nitong i- subsidize ang 100 percent na kailangan para sa RT-PCR testing sa transport sector partikular sa mga sasakyang biyaheng probinsiya upang mabawasan ang pagkalat ng virus sa mga probinsya.

Para naman sa PUJ at PUB drivers at conductors sa Metro Manila, ang bahagi umano ng

Pantawid Pasada funds ay dapat gamiting pambayad para sa bakuna at COVID testing para sa kanilang lahat. (Eralyn Prado)

The post Kita sa POGO gamitin sa libreng COVID test first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kita-sa-pogo-gamitin-sa-libreng-covid-test/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kita-sa-pogo-gamitin-sa-libreng-covid-test)