Nakahandang iwanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posisyon kung wala nang ganap na suporta sa kanya ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang regular na Talk to the People kasunod ng ulat na kakalas na ng suporta sa kanya ang mga retiradong heneral dahil sa umano’y pananahimik sa isyu sa West Philippine Sea.

Sinabi ng Pangulo na walang saysay ang pagiging Presidente kung walang suporta ang Armed Forces.

“Yan ang gusto ko ipaalala sa CIA,you can ask all of them, when I say I’m going home if I cannot have the coordination of the Armed Forces , then there is no point in working for this government,” anang Pangulo

Tinanong ng Pangulo sa mga retiradong heneral kung ano sa tingin nila ang mapapala ng gobyerno sakaling magpunta ito sa West Philippine Sea dahil lalabas na naghahanap ng gulo ang Pilipinas.

“Yung mga military na yan na magre-retire, ano pang gusto ninyo? Ako, I am ready. It is just a matter of going there and looking for trouble. Pero at what cost in the country? Hindi tayo puwedeng magpunta dun makipag-away,” dagdag ng Pangulo.

Mistula namang nanumbat ang Pangulo sa mga ibinigay nito sa mga sundalo , sa harap ng ulat na kakalas ang mga ito suporta sa kanyang liderato.

“Ayoko na sabihin kung ano ginawa ko sa inyo, many things I have done for the Armed Forces. Many things. Ayoko na lang sabihin,” wika ng Pangulo.

Kabilang sa mga pagbabago sa AFP sa ilalim ng Duterte Administration ay ang pagtupad sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan, pagtaas sa sahod, rehabilitasyon ng military hospitals at malaking pondo para sa gamot ng mga sundalong napinsala sa pakikipagbakbakan sa mga kaaway ng gobyerno.

The post Kung ‘di na suportado ng militar, Duterte ‘handang umuwi sa Davao’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kung-di-na-suportado-ng-militar-duterte-handang-umuwi-sa-davao/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kung-di-na-suportado-ng-militar-duterte-handang-umuwi-sa-davao)