Tuloy na tuloy na ang tambalan nina Senador Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente Sotto III para sa 2022 national elections.

Ayon sa source ng ABANTE, maraming kumukumbinse sa dalawang magkaalyadong senador na tumakbo sa pagkapangulo at pangalawang pangulo para sa susunod na halalan subalit hindi pa umano makapagbigay ng pinal na desisyon ang mga ito lalo na’t nakatuon ang kanilang pansin sa kanilang trabaho sa gitna ng patuloy na pagsirit ng kaso ng COVID-19.

“Walang nang atrasan yang Lacson-Sotto tandem. But they cannot decide yet,” sabi pa ng source na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Sabi pa ng source, sa ngayon aniya’y 25 porsiyento na ikinukonsidera ni Lacson na tatakbo siya sa pagka-pangulo subalit hindi aniya siya matuloy sa pagtakbo, tiyak umanong si Sotto ang susuportahan niyang tumakbo sa vice presidential race.

“Kung hindi matuloy si Lacson sa pagtakbo sa pagka-presidente, he can run as senator again. But kung tutuloy si Sotto in his vice presidential bid, all-out ang support sa kanya ni Ping,” sambit pa ng source.

Nauna nang iniulat ng pahayagang ito na itinutulak ng “macho bloc” sa Senado ang tambalan nina Lacson at Sotto na ipapatatapa umano sa kandidato ng Duterte administration.

Ang “macho bloc” ay binubuo ni Sotto, Lacson, Senadora Grace Poe at Senador Manuel “Lito” Lapid.

Suportado din ang Lacson-Sotto nina dating Senate President Juan Ponce Enrile at Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Gregorio “Gringo” Honasan at dating senador at ngayon ay Antique Rep. Loren Legarda.

Sina Sotto, Poe, Lapid at Legarda at pang miyembro ng Nationalist People’s Coalition o NPC.

Nauna nang inamin ni Sotto sa online interview ng mga Senate reporter na maraming ang nagtutulak sa kanilang tambalan para sa 2022 national election subalit pinag-aaralan pa nila ito hanggang ngayon.

“May mga kumukumbinsi kasi sa kanya, meron ding mga kumukumbinsi sa akin. Eh hindi pa kami nakukumbinsi,” sabi ni Sotto sa panayam noong Marso 22.

Magtatapos ang termino sa Hunyo 22. Sapul pa noong 1992, apat na terminong naging senador si Sotto. Si Lacson ay halos nakatatlong termino na rin. Kung hindi tumakbo si Lacson sa pagka-pangulo maaaring sumabak ito sa senator race sa ikaapat na pagkakataon.

“Wala pa, I cannot really answer you directly. Nakikiramdam pa ako, at pinakikinggan ko pa lahat,” naunang pahayag ni Sotto.

Sabi pa ng source, posibleng sa Oktubre pa magdesisyon sina Lacson at Sotto kung sasabak sila sa presidential at vice presidential race, ayon sa pagkakasunod-sunod.

“Hindi pa sila makakapag-desisyon ngayon. Magagalit ang tao dahil sa situation. Most likely sa October ang kanilang announcement. Pero sure na yan, wala nang atrasan yan,” ayon pa sa source.

The post Lacson-Sotto tandem walang atrasan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lacson-sotto-tandem-walang-atrasan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lacson-sotto-tandem-walang-atrasan)