Payo ng isang infectious disease expert sa publiko, puntahan lang ang community pantry sa inyong barangay upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

“Sana, ‘yung community pantry, ‘wag na kayong dumadayo. Halimbawa, sa Quezon City, ‘yan, eh ba’t naman kayong taga-Paranaque ay pupunta po ro’n?” wika ni Dr. Eric Tayag sa ABS-CBN’s Teleradyo, Linggo.

“‘Yan pong community pantry, mainam po ‘yan dun sa kanya-kanyang barangay. So, ang magtutulungan, ‘yung mga sa barangay na ‘yun. So, ‘wag kayong dadayo po.”

“Kung gusto n’yong magka-community pantry, eh dun sa barangay n’yo, para nang sa ganun, kilala n’yo kung sino nagbibigay, at kilala n’yo rin kung sino ang kumukuha,” dagdag niya.

Dapat aniyang isipin ng madla na ang malalaking pagtitipon ay posibleng maging COVID-19 superspreader event.

“Bagama’t maganda ang hangarin ng community pantry ay maaaring maging isang dahilan ‘to na dumami na naman yung mga kaso natin,” banggit ng doktor.

“Dun sa kumukuha, sana malinaw po sa inyo na maaari tayong manghawa at maaari tayong mahawa. Itanong kung dapat ba ‘kong pumunta, ano ang dapat gawin at paano ako makakatulong.”

“‘Yung matatanda, baka may bilinan na lang sana. ‘Yung may karamdaman, ‘wag na pong sumadya d’yan,” saad niya pa.

Napaulat na meron nang higit 350 community pantry sa iba’t ibang parte ng bansa.

The post Madla inabisuhan: ‘Wag na dumayo sa ibang community pantry first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/madla-inabisuhan-wag-na-dumayo-sa-ibang-community-pantry/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=madla-inabisuhan-wag-na-dumayo-sa-ibang-community-pantry)