May naisip na solusyon ang Maginhawa Community Pantry para mapanatili nito ang pagtulong sa mga nangangailangang Pinoy habang nasusunod ang COVID-19 health protocols.

“Mula sa isang pantry sa Maginhawa, magiging pantries na ito! Simula bukas, magiging donation drop off center na ang 108 Maginhawa St. tapos ihahatid natin ang goods sa mga barangay sa Diliman na karaniwang pinanggagalingan ng mga recipients,” ayon sa anunsyo sa Facebook page ng nasabing pantry, Abril 26.

“Sa decentralized pantry system, magiging organized at efficient ang distribusyon sa tulong ng Barangay at existing Community Pantries.”

“Mas malapit na din sa mga recipients ang mga goods kaya’t di na sila mahihirapan maglakad. Makakatulong ito lalo na sa mga seniors, buntis at may mga kapansanan. Mao-observe din ang health protocols dahil hindi na dudumugin ang isang pantry,” dagdag pa.

Magugunitang simula noong sumikat ang naturang community pantry sa Maginhawa Street, Quezon City ay laging mahaba na ang pila roon ng mga benepisyaryo.

Tatanggap ang Maginhawa Community Pantry ng donasyon araw-araw, simula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

The post Maginhawa pantry drop-off point na ng donasyon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/maginhawa-pantry-drop-off-point-na-ng-donasyon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=maginhawa-pantry-drop-off-point-na-ng-donasyon)