“Kung kaya ng mga ordinaryong tao, bakit hindi ng mga bilyonaryo?”

Tanong ito ng Samahan ng Progresibong Kabataan, na hinamon ang mga mall owner at retailer na gayahin ang mga pribadong indibidwal at magtayo rin ng community pantry para sa mga Pinoy na apektado ng pandemyang COVID-19.

Bago ang International Labor Day, pumunta ang mga miyembro nitong grupo sa iba’t ibang mall, bitbit ang karatula na may nakasulat na, “Kung kaya ng ordinaryong tao, bakit hindi ng mga bilyonaryo” at “Kumuha ng ayon sa pangangailangan,” at nagpa-picture.

Sa isang press release, sinabi ng Spark na wala namang masamang insidente na nangyari sa pagitan ng mga kabataan at mga guwardya ng kompanya.

Pinunto ng Spark na matagumpay man ang mga community pantry na nagsulputan sa iba’t ibang sulok ng bansa ay “hindi dapat inaasa ng gobyerno ang sarili nitong responsibilidad sa mga mapagkawang-gawang indibidwal.”

“Ang pagpapatuloy at pagsulpot ng mga bagong Community Pantry sa iba’t ibang panig ng bansa ay karagdagang patunayan sa kapalpakan ng rehimeng Duterte na bigyang kalinga ang mamamayan,” ayon sa Spark.

“Hinahamon namin ang mga kapitalista na buksan ang kanilang mga grocery at bodega bilang pakikiisa sa mahihirap na mamamayang mahigit isang taon nang nagdurusa sa ilalim ng pandemya. Kung kaya ng mga ordinaryong tao, bakit hindi ng mga bilyonaryo?” dagdag ng grupo.

Binanggit din nila kung paanong hindi natitinag ang mayayaman kahit sa panahon ng pandemya, at napaulat pang nadagdagan ang mga sahod ng mga ito.

“The incomes of ordinary people are nothing compared to these billionaires and yet they are the ones who are willing to share what little amount they have,” ani Spark national coordinator at spokesperson John Lazaro.

“The wealth that they have is much more than what they need. They have no reason to not help the poor and the needy,” saad pa niya.

The post Mall owner magtayo rin ng community pantry – Spark first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mall-owner-magtayo-rin-ng-community-pantry-spark/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mall-owner-magtayo-rin-ng-community-pantry-spark)