Pinaaalala ng Panahon ng Kuwaresma na sa panahon ng kadiliman, binubuhay tayong muli ng ating pagmamahal para sa isa’t isa.

Mensahe ito ni Vice President Leni Robredo ngayong nagdiriwang ang mga Kristiyano ng Easter Sunday o ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.

“If there is anything that Easter and the Lenten Season reminds us, it is that during these extraordinary times of darkness, we are renewed by our faith, hope, and love for one another,” sabi ng VP sa isang pahayag, Abril 4.

“Ito ang nagpapatatag at nagpapalakas sa atin, ang sisigurong maaalpasan natin ang kalbaryong pasan natin ngayon.”

“Sa pagmamahal ni Kristo, sa pagpili Niyang makiisa sa lahat ng hirap at pagsubok ng buhay natin, humuhugot tayo ng inspirasyon para magsimula at makabangon muli,” dagdag niya.

Kahit pa aniya kailangang magdiwang ng okasyong ito sa kanya-kanyang tahanan ay “malinaw pa rin na pinagdurugtong tayo ng aral at halimbawa ni Hesus.”

“Sa mga mapanghamong panahon tulad ngayon, lalo itong nagiging totoo: dumadaloy ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa atin, sa bawat pagkilos, sa bawat sandaling nabubuhay tayo at nakikipagtalaban sa ating kapwa,” wika pa ni Robredo.

Nakatitiyak din ang VP na mararating ng ‘Pinas ang “iisang better normal.”

“Gaya ng paulit-ulit na nating pinatunayan sa mga nagdaang taon: walang Pilipinong nag-iisa,” ani Robredo.

“Magkakaiba man ang mga kontekstong pinanggagalingan natin, iisang ‘better normal’ ang pangarap nating pandayin — isang mundong mas patas, mas makatao, mas makatarungan, lalo na para sa mga nasa laylayan.”

“At dahil bitbit natin ang isa’t isa, walang duda — gaya ng pangakong dala ng muling pagkabuhay, isang pangako ng buhay na walang-hanggan na nagbubukal sa walang-hanggang pag-ibig at pag-asa — tiyak na mararating natin ang mithiin na ito,” dagdag niya.

Sa huli, hiniling ng Bise na patuloy sanang gabayan ng Panginoon ang mga Pinoy, at mas lumalim pa nawa ang “pagmamahal na nagbibigkis sa atin.”

The post Mararating din natin ang ‘better normal’ – Robredo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mararating-din-natin-ang-better-normal-robredo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mararating-din-natin-ang-better-normal-robredo)