Nasa pagpapasya ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung susundin ang rekomendasyon ng OCTA Research na panatilihin pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR plus bubble.

Ito ay sa kabila ng bahagyang pagbaba na ng COVID case matapos ang mga ipinatupad na mahigpit na quarantine status sa nakalipas na ilang linggo.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na pag-uusapan sa pulong sa Martes ang mungkahi ng OCTA.

Nagpulong na aniya ang mga eksperto at inilatag ang posibleng mangyari sa mga susunod na linggo.

“Pag-uusapan po iyon at sa Martes ay dedesisyunan ng IATF. Nagkaroon po ng pagpupulong with our data analytics group kasama ang mga eksperto at ipinakita ang mga possible scenario kung tayo ay manatili sa MECQ or mag-shift sa GCQ at kung tayo ay magkakaroon na ng pagluwag sa mga sektor natin,” ani Vergeire.

Tinitimbang aniya ng IATF ang aspetong pangkalusugan at ekonomiya kaya masusing pinag-aaralan ang tamang aksyon para sa mga darating na araw.

“Itong sinasabi ng OCTA kasama yan sa mga pinag-uusapan natin. Siyempre kapag health side ang pinag-usapan gusto natin mas mahigpit na restricton. Pero kailangan din nating tingnan yung ibang sektor. Kasi alam natin na may impact sa health itong ibang sektor na ito,” dagdag ni Vergeire.

The post MECQ o GCQ? Bagong quarantine status dedesisyunan sa Martes first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mecq-o-gcq-bagong-quarantine-status-dedesisyunan-sa-martes/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mecq-o-gcq-bagong-quarantine-status-dedesisyunan-sa-martes)