Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga kostumer nito na hindi magkakaroon ng “bill shock” at putulan ng kuryente ngayong buwan sa gitna ng pinatutupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ilang karatig na probinsya.

“Walang dapat ipangamba ang aming mga kostumer, wala pong putulan ng serbisyo at ang aming mga meter readers ay patuloy sa kanilang tungkulin na magbasa ng metro,” ayon kay Joe Zaldarriaga, vice president at tagapagsalita ng Meralco.

Nauna nang ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga distribution utility at mga electric cooperative na siguruhing makakapagbasa sila ng metro na batayan ng bill ng mga kustomer.

Noong Lunes, inanunsyo ng Meralco ang pagpapalawig ng “no disconnection” policy nila hanggang sa katapusan ng buwan bilang tulong sa mga kostumer nitong maapektuhan ang kabuhayan dahil sa MECQ.

Samantala, giniit ni Zaldarriaga na ang nakatakdang pagtaas ng singil ng kuryente ngayong Abril ay bunsod ng pagsipa ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Pinabulaanan din ni Zaldarriaga ang pahayag ng Power for People Coalition o P4P na karamihan sa source ng Meralco ay mula sa coal. Aniya ngayong buwan lamang, ang planta ng kuryente na kumukuha mula sa Malampaya Natural Gas ay nasa 56.3% ng suplay ng Meralco, samantalang ang inaangkat mula sa coal at iba’t ibang planta ng kuryente ay nasa 43.7% lamang. Ang Meralco ay nananatiling pinakamalaking offtaker ng natural gas sa bansa.

“Patuloy din po ang Meralco sa paghahanap ng mapagkukunan ng mas murang suplay ng kuryente upang maging mas abot kaya ang presyo ng kuryente para sa aming mga kostumer. Ang mga kontrata ng Meralco mula sa mga pinakukunan ng kuryente ay sumasailalim sa masusing pagsisiyasat at paglilitis bago ito aprubahan ng ERC,” ayon pa sa Meralco official.

The post Meralco: Walang ‘bill shock,’ putulan habang MECQ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/meralco-walang-bill-shock-putulan-habang-mecq/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=meralco-walang-bill-shock-putulan-habang-mecq)