Aabot sa P70,000 ang total na insentibo na makukuha ng mga nurse at doktor na nag-volunteer tumulong sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagsirit ng COVID-19 case sa rehiyon.

Ayon kay Secretary Michael Dino ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV), bibigyan ng kanilang opisina ng P5,000 kada buwan o total na P15,000 ang mga nurse at doktor na nagtungo sa NCR.

Nagdagdag din ng parehong halaga si Cebu Governor Gwendolyn Garcia para sa mga health worker, gayundin ang dagdag pang P10,000 pagbalik nila sa Cebu.

Bukod pa rito ay sagot din niya ang tatlong buwan na supply ng bitamina at air purifier ng mga nurse at doktor.

Nasa P30,000 naman ang ibibigay ni Cebu City Mayor Edgardo Labella sa mga volunteer na nagtungo sa NCR.

Hiwalay pa ang mga naturang insentibo sa sahod kada buwan ng mga health worker.

35 nurse, 11 doktor at apat na medical technologist ang pinadala ng Cebu sa Metro Manila para makatulong sa kakulangan ng health worker sa rehiyon.

The post Mga Cebuano health worker na magtatrabaho sa NCR, bibigyan ng P70K bonus first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-cebuano-health-worker-na-magtatrabaho-sa-ncr-bibigyan-ng-p70k-bonus/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-cebuano-health-worker-na-magtatrabaho-sa-ncr-bibigyan-ng-p70k-bonus)