Kailangan mang kumita ay nakiisa pa rin ang mga mangingisdang Pinoy sa community pantry na lumalaganap ngayon sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Ayon sa grupong Pamalakaya Pilipinas, nagpasya ang ilan nilang mga kasapi sa Binangonan, Rizal na mag-donate ng nasa 50 kilong bagong huli na tilapia sa isang Maginhawa-inspired community pantry sa bandang C.P. Garcia Avenue sa Quezon City.

“Bagama’t kailangan ding kumita, hindi bigat, kundi pakikipagkaisa sa kapwa naghihirap ang nangibabaw sa isipan ng mga mangingisdang nagbahagi ng kanilang huli sa mga community pantry,” saad ng Pamalakaya, sa isang ulat.

Dagdag ng grupo, ang kagyat nilang pangangailangan para sa ayuda ng gobyerno sa gitna ng pandemya ay hindi nakapigil sa kanilang pagtulong sa mga kapwa nila Pinoy na nangangailangan din.

Matapos maging viral ang community pantry sa Maginhawa Street sa QC, nagtayo rin ang mga Pinoy ng parehong inisyatiba sa iba pang lugar, gaya ng Pasig, Batangas, Iriga, La Union, Zambales, Naga, Taguig, Los Banos, at Intramuros.

Ang prinsipyo ng community pantry ay may mga libreng pagkain, gamot, at iba pang gamit na nakalagay sa nasabing pantry, tapos depende na sa tao kung gaano karami ang kanyang kukuhain o gaano karami ang handa siyang i-donate.

The post Mga hikahos na mangingisda nag-donate sa QC pantry first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-hikahos-na-mangingisda-nag-donate-sa-qc-pantry/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-hikahos-na-mangingisda-nag-donate-sa-qc-pantry)