Nanawagan ang isang mambabatas sa mga lokal na pamahalaan na mamigay ng health kits kasabay ng pamamahagi nila ng pagkain sa mga pamilyang apektado ng anti-coronavirus lockdown o enhanced community quarantine (ECQ).

Bukod sa face mask at face shield, sinabi ni Assistant Majority Leader at ACT-CIS Rep. NiƱa Taduran na makabubuti kung sasamahan ito ng vitamins at iba pang supplements na makapagpapalakas ng immune system.

Umapela rin si Taduran sa mga local government units (LGUs) na huwag ng patagalin pa ang pamimigay ng tulong dahil maraming pamilya sa NCR plus bubble na kakain lang kapag kumita.

“Marami sa ating mga kababayan sa NCR plus ang arawan ang kita. Hindi kakain kung hindi kakayod sa bawat araw. Ngayong may paghihigpit dahil sa ECQ, nawalan ng katiyakan ang kanilang kakainin. Hindi pa nga kasama dyan yung iintindihin nila sa bawat buwan na pambayad sa kuryente at ilaw,” ani Taduran.

Mayroon umanong napipilitan na lumabag sa quarantine protocol para makahanap ng perang pambili ng pagkain.

“Para makumbinsi silang manatili sa bahay, kailangang may katiyakan na may ayudang darating sa kanila ngayon din, hindi ‘yung paghihintayin pa sila ulit ng isang linggo,” dagdag pa ng solon.

Si Taduran at mga kapwa kinatawan ng ACT-CIS na sina Eric Yap at Jocelyn Tulfo ay nakapamigay na ng milyong halaga ng bigas at iba pang tulong sa mga mahihirap na pamilya sa Metro Manila at Cavite mula ng ipatupad ang ECQ.

The post Mga LGU hinimok na mamigay ng health kits first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-lgu-hinimok-na-mamigay-ng-health-kits/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-lgu-hinimok-na-mamigay-ng-health-kits)