Isinusulong ni Senador Joel Villanueva na ilahok ang mga manggagawa ng media sector sa listahan ng priority recipients ng COVID-19 vaccine sa bansa dahil sa napakahalagang papel ng mga ito na paghahatid ng balita sa tao sa gitna ng pandemya.

Ginawa ni Villanueva, chair ng Senate labor committee, ang pahayag matapo na hindi mapasama ang media sektor sa priority list ng essential worker na binubuo ng A4 cluster na inihayag ng Department of Health (DOH) noong Lunes.

“Press freedom and timely access to truthful information are a must in times of pandemic. Media should be included in the A4 list,” sabi ni Villanueva.

“Ang media workers po natin ay ang ating information frontliners. Bukod sa peligroso ang kanilang trabaho, napakahalaga po ng kanilang ambag na kaalaman at impormasyon laban sa pandemya,” dagdag nito.

Batid ni Villanueva, nahaharap sa iba’t ibang panganib ang mga manggagawa sa media, na kailangan lumabas upang kumalap ng balita at impormasyon na nagagamit ng mamamayan.

Punto pa ng mambabatas, maliban sa mga field reporters, bahagi ng iba’t ibang mga newsroom ang kanilang mga kawani tulad ng mga photographer at videographer, editor, production crew, at iba pa.

Bilang mga “information frontliners,” hinikayat ni Villanueva na isama ang mga media worker sa A4 priority list, o listahan ng mga essential workers na babakunahan ng pamahalaan.

Matagal nang isinusulong ni Villanueva ang pagsama ng essential workers sa priority list ng vaccination program ng gobyerno. Noong Enero, dinikdik ni Villanueva ang pamunuan ng IATF sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na gawing bahagi ng priority list ang mga essential workers. Pinalawig ng IATF ang naunang 24.6 million na priority list, na naging 35 million para maging kabilang ang essential workers sa mga babakunahan ng pamahalaan.

Maliban sa mga media workers, ipinunto ni Villanueva na dapat kabilang sa prayoridad ang mga vendor sa mga pamilihang bayan at palengke, mga kawani sa supermarket, tsuper ng pampasaherong sasakyan, mga delivery riders, security guards, sanitation personnel tulad ng basurero, mga nagtatrabaho sa public service facilities tulad ng kuryente, tubig, at telecommunication, at mga construction workers sa pribado at publikong proyekto, at iba pa.

“Hinihikayat po natin na patuloy palawigin ang listahan, at reviewhin muli ito. Umaasa po tayo na pakikinggan ng ating mga kasamahan sa gobyerno, at tiwala tayong mauunawaan nila ang ating isinusulong,” ani Villanueva.

The post Mga media worker isama sa vaccine priority list – Villanueva first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-media-worker-isama-sa-vaccine-priority-list-villanueva/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-media-worker-isama-sa-vaccine-priority-list-villanueva)