Sinubukang pigilan ng ilang nakasaksi ang sinasabing panggugulpi ng mga barangay tanod sa isang curfew violator sa Laguna, pero hindi pa rin tumigil ang mga suspek.

Kuwento pa ni Gledien Jimenez, kapatid ng biktima na si Ernanie, lumabas ng bahay ang kanyang kapatid noong Abril 7 ng gabi para sana bumili ng pagkain.

Lumipas na aniya ang ilang minuto pero hindi pa nakababalik ang kanyang kapatid. Iyon pala ay hinuli na si Ernanie ng mga tanod ng Barangay Turbina sa Calamba.

“‘Yung asawa ko po saka ‘yung kinakasama [ni Ernanie], lumabas na po para tingnan at hanapin pero ‘di po nila ‘to nakita. Tapos nung babalik na po sila sa bahay, ‘yun po, nakita na po nila ‘yung pangyayari: na binubugbog po ‘yung kapatid ko, sinisipa, kaya po nabagok,” lahad ni Gledien sa Teleradyo, Abril 12.

“Tumakas po siya kasi gusto niya na pong umuwi o kaya may mga pananakit nang ginagawa sa kapatid ko. Tapos ‘yong nakakita po, inawat ng nakakita. ‘Yong taga-doon din po… inaawat na, sir, pero ‘di pa rin papigil. Tuloy pa rin po sa pagbubugbog,” aniya pa.

Apat na tanod ang bumugbog kay Ernanie, ayon sa kapatid nito. Pumanaw si Ernanie sa Calamba Medical Center Hospital noong Abril 9.

Samantala, tiniyak ng Department of Interior and Local Government na “hindi po natin papalampasin” ang “illegal act” na ginawa ng mga otoridad na suspek.

The post ‘Mga tanod inawat na pero tuloy pa rin sa pambubugbog’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-tanod-inawat-na-pero-tuloy-pa-rin-sa-pambubugbog/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-tanod-inawat-na-pero-tuloy-pa-rin-sa-pambubugbog)