Tuluyang mapapahupa ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 kung paiiralin ng publiko ang disiplina sa paglabas-labas sa bahay.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Dr. Butch Ong, miyembro ng OCTA Research na nagmomonitor sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Dr. Ong na bumabagal ang pagkalat ng kontaminasyon kaya dapat na magtuloy-tuloy ito para tuluyang bumaba ang COVID case sa bansa lalo na sa NCR Plus bubble.

“Hinihikayat ko po ang mga kababayan natin, magkaroon tayo ng disiplina sa paglabas, at mas maging disiplinado sa pag-conduct ng APAT DAPAT sa minimum health standards,” ani Dr. Ong.

Mayroon na aniyang positibong epekto ang dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) at titingnan nila sa susunod na linggo kung maaabot ang target na 1.0 reproduction rate ng virus.

“Ang 1.6 na reproduction number ay sa NCR Plus bubble natin. Magandang balita ito, nag-umpisa tayo noong ECQ around 1.9 at dahan-dahang bumaba ang reproduction number. But still want to see a reproduction number which is less than 1.0, so hopefully itong linggo na ito makita natin ‘yan,” dagdag ni Dr. Ong.

Ang binabantayan aniya nila ngayon ay ang hospital utilization rate na nasa critical level pa ang ICU at ward beds, pero nabawasan ng konti aniya ang problema sa isolation beds dahll sa mga bagong isolation facilities.

The post OCTA sa publiko: Disiplina para tuluyang bumaba ang COVID case first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/octa-sa-publiko-disiplina-para-tuluyang-bumaba-ang-covid-case/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=octa-sa-publiko-disiplina-para-tuluyang-bumaba-ang-covid-case)