Para mapabilis at maisaayos ang sistema ng pamamahagi ng ayuda mula sa gobyerno sa mga darating na panahon, inirerekomenda ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagkakaroon ng bank account ng bawat Pilipino sa bansa.

“Ngayong meron na tayong national ID. May isang batas akong gustong i-file na may kaugnayan sa national ID, ang tawag ko dito ay “One Filipino, One Bank Account”. Dapat mandatory na bigyan ng pamahalaan ang lahat ng mga naninirahan dito ng bank account. Importante na gumamit na tayo ng teknolohiya,” ayon kay Gatchalian.

“Kapag ganitong may pandemya, remit na lang nang remit sa bank account at doon tatanggap ng ayuda, bahala ka na kung paano mo gagamitin ang ayuda na ‘yun,” dagdag pa nito.

Sabi ni Gatchalian, ice Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies, ang pagkakaroon ng bank account ay hindi na dapat ituring na luho, bagkus, ito’y gawing basic requirement sa bawat Pilipino sa bansa anuman ang kanyang katayuan sa buhay.

Paliwanag pa nito, makakatulong sa bawat Pilipino ang pagkakaroon ng bank account lalo na sa contactless at cashless payments gamit ang cellphone na maaari ring magsilbing digital wallet.

Sa datos na nakalap ni Gatchalian, nasa 74 milyong Pilipino ang gumagamit ng smartphones noong 2019. Ang ganitong klase ng mobile phones ay maaaring magkaroon ng software applications kung saan ang paraan ng pagbabayad ay idadaan sa scanning o card readers.

Sa 2019 financial inclusion survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), napag-alaman na nasa 51.2 milyong Pilipino o 71 milyon sa kabuuang populasyon ng adult Filipinos ang walang bank account at ang katwirang ibinigay ng karamihan sa kanila ay ang kawalan ng perang pang deposito.

Nasa 27% ang nagsabi na hindi nila kailangan ng bank account at ang dahilan ng 26% ay ang kawalan ng sapat na kailangang requirements o dokumento.

Sa nasabi ring survey, tumaas sa 38% ang nagsabing mayroong sapat na kaalaman tungkol sa online payments gamit ang kanilang smartphones at 42% naman sa kanila ay gumagamit ng internet ng isang beses sa loob ng isang buwan.

Sa 42%, 86% sa kanila ang gumagamit ng internet gamit ang mobile data ng kanilang telepono. Ayon sa BSP, dahil sa kaalamang ito sa teknolohiya ay dumami pa ang nag-o-online payment methods na.

The post ‘One Filipino, One Bank Account’ sagot sa mabilis na ayuda – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/one-filipino-one-bank-account-sagot-sa-mabilis-na-ayuda-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=one-filipino-one-bank-account-sagot-sa-mabilis-na-ayuda-gatchalian)