Pansamantalang isinara ang patok na Maginhawa community pantry sa Quezon City dahil sa red-tagging.

“Hindi magandang balita. Bukas po pause po muna ang #MaginhawaCommunityPantry para sa safety po namin ng mga volunteers,” banggit sa Facebook ni Ana Patricia Non, ang nagpasimula ng nasabing proyekto, kaninang madaling-araw.

“Malungkot po dahil hindi muna maipapamahagi ang goods na inihanda namin buong maghapon dahil po sa #RedTagging na nagaganap. Magbigat sa pakirandam ko kasi maganda po ang intentions ko noong binuo ko ang #CommunityPantry at ilang araw na din po na napakaraming pinagsisilbihan nito at ganun din po ang tulong na dumadating.”

“Sigurado po maraming tao po ang pipila sa amin bukas pero kailangan po muna nila maghintay sa susunod na araw bago po ito maipamahagi. Lalo na po at nagkaproblema kanina ang ibang community pantry sa mga kapulisan,” lahad pa niya.

Sa Facebook, nagbahagi ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ng mga post kung saan inaakusahan ang mga nagkalat na community pantry ng pagpapalaganap diumano ng propaganda.

Samantala, sinabi ni Non na nagkausap na sila ni Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos “hiningi po ng tatlong pulis ang number ko at tinatanong po kung anong organisasyon ko.”

“Natatakot po ako maglakad mag-isa papunta sa Community Pantry ng alas singko ng umaga dahil po sa walang basehang paratang sa amin,” ayon sa pantry organizer.

“Gusto ko lang po talaga makatulong at sana po ay huwag nyo masamain,” aniya pa.

Bago ito, kinuwento ng isang community pantry organizer sa Pandacan, Manila na tinanong ng pulisya ang kanilang pagkakakilanlan at pinasagutan umano ng mga pulis ang isang form mula sa PNP-Joint Industrial Peace and Concerns Office (JIPCO).

Mula nang magtayo ng community pantry si Non sa Maginhawa Street ay nagkaroon ng parehong inisyatiba sa iba’t ibang lugar sa bansa, gaya ng Pasig, Batangas, Iriga, La Union, Zambales, Naga, Taguig, Los Banos, at Intramuros.

Ang prinsipyo ng community pantry ay may mga libreng pagkain at iba pang gamit na nakalagay sa nasabing pantry, tapos depende na sa tao kung gaano karami ang kanyang kukuhain o gaano karami ang handa siyang i-donate.

The post Organizer ni-red-tag, Maginhawa community pantry awat muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/organizer-ni-red-tag-maginhawa-community-pantry-awat-muna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=organizer-ni-red-tag-maginhawa-community-pantry-awat-muna)