Dapat may mga nakahanda umanong standard COVID-19 kit ang mga ospital para sa mga pasyenteng tinatanggihan nito dahil sa kakulangan ng kama at kuwarto.

Ito ang iginiit ni ACT-CIS Partylist Rep.Rowena Niña Taduran kasabay na rin ng panawagan nito sa mga barangay na magkaroon ng stand by na oxygen tank at pang-refill, bukod sa mga ambulansya at iba pang sasakyan na maipanghahatid-sundo sa mga pasyente sa kanilang komunidad.

“I have received reports of people waiting for their turn to be seen or admitted in hospitals. May mga pang-number 200 sa pila, may naghihintay na lang sa kanilang sasakyan. Why not give them a kit containing the standard medicines for Covid 19 that they can immediately use for treatment? Don’t just send them home or turn them away,” ayon kay Taduran.

Lubos na ikinabahala ng kongresista ang lumalalang kaso ng Covid sa NCR, at sa pagkakahawa-hawaan na ng mga pamilya dahil sa virus.

Dahil dito, kailangan umanong magtulungan at magkaroon ng maayos na sistema sa pagbibigay ng tulong sa mga pasyenteng hindi na tinatanggap ng mga ospital.

“The Barangay Health Emergency Response Team should coordinate with the One Hospital Command Center for the transfer of patients who can not be accommodated in NCR hospitals. Gamitin ang mga ambulansya na ipinamigay ng pamahalaan sa kanila. Bakit ang idinadahilan ay walang available o sira? Dapat handa sila na ipagamit ‘yan sa mga nangangailangan,” dagdag ni Taduran.

The post ‘Ospital dapat mamigay ng COVID kit’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ospital-dapat-mamigay-ng-covid-kit/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ospital-dapat-mamigay-ng-covid-kit)