Mamimigay ng tig-P10,000 si dating Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang mga kaalyado sa halos 200 mahihirap na pamilya sa iba’t ibang lugar sa Sabado, Labor Day.

Layunin ng ‘Sampung Libong Pag-Asa’ initiative na matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na pamilya na labis na naapektuhan ng pandemya.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa mga mahihirap na lugar ng Batangas, Bulacan, Cavite, Camarines Sur, Caloocan City, Marikina City, Quezon City, Taguig City, Mandaluyong City, Pateros, Sta. Rosa City sa Laguna, Antipolo City sa Rizal, at Ormoc City sa Leyte.

Kasama ni Cayetano sa inisyatiba ang kanyang misis na si Taguig City Rep. Ma. Laarni Cayetano, Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, Jr., Batangas Rep. Raneo Abu, Laguna Rep. Dan Fernandez, Anakalusugan Rep. Michael Defensor, at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado.

Mula Pebrero hanggang Abril ay nakapagbigay na ng tig-P10,000 tulong ang grupo ni Cayetano sa may 38 pamilya sa Caloocan City, Pasig City, Quezon City, at Cavite.

Isinusulong ng grupo ni Cayetano ang pagpasa ng panukala na magbibigay ng tig-P10,000 sa bawat pamilya.

Inihain ang panukala noong Pebrero at nakabinbin sa House Committee on Economic Affairs. (Billy Begas)

The post P10K ayuda ipamumudmod ng grupo ni Cayetano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p10k-ayuda-ipamumudmod-ng-grupo-ni-cayetano/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=p10k-ayuda-ipamumudmod-ng-grupo-ni-cayetano)