Hindi papayagang umepal o makisawsaw ang mga politiko sa mga itinatayong community pantry ng mga ordinaryong mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules ng gabi.

Sa report ng kalihim, gumawa ang DILG ng guidelines para maayos na maipatupad ang community pantry para hindi malagay sa panganib ng COVID-19 ang publiko.

Dapat aniyang masunod ang basic health protocols dahil kung hindi masunod ay ipapatigil ang community pantry.

Sinabi ni Año na bawal ilagay sa community pantry ang mga nakakasira sa kalusugan gaya ng alak at sigarilyo at kailangang may koordinasyon sa barangay ang organizers para mailatag ang tamang proteksiyon sa mga tao.

Hindi aniya papayagan ang mga epal na pulitiko na gustong pumapel sa mga community patry at ito ay inilagay na nila sa memo na inilabas sa mga lokal na opisyal.

“Hindi po natin papayagan na magkaroon ng “epal” na maglalagay ng signage, billboards, posters bearing pictures, pangalan, initial o images ng mga tao na nagsagawa ng community pantry lalo na ang mga politicians na gustong pumapel,” ani Año.

Kabilang sa guidelines ng DILG ay dapat mga residente lang ng barangay ang kukuha sa community pantry at hindi kailangang may taga-ibang lugar na dadagsa para maiwasan ang nangyaring insidente sa Barangay Holy Spirit.

“Kagaya ng naganap sa Barangay Holy Spirit na ini-announce pa sa Facebook kaya nagdagsaan ang maraming tao at halos sobra sa sampung libo ang dumating at hindi na nakontrol at hindi na naipatupad ang minimum health standard,” dagdag ni Año.

The post Pag-epal ng politiko sa community pantry bawal – DILG first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-epal-ng-politiko-sa-community-pantry-bawal-dilg/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pag-epal-ng-politiko-sa-community-pantry-bawal-dilg)