Pinag-aaralan ng Malacañang kung palalawigin o tatapusin na ba ang ipinataw na 60-araw na price ceiling sa mga presyo ng karne ng baboy at manok sa Metro Manila.

Alinsunod ito sa inilabas na Executive Order no.124 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakdang magtapos sa April 8, 2021.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pinag-uusapan na ang isyu ng Department of Agriculture kung tatapusin na o hindi ang pag-aangkat ng mga baboy sa Visayas at Mindanao para dalhin sa Metro Manila.

Pero ang nakikitang solusyon aniya ng gobyerno ay ang pag-angkat ng karne ng baboy sa ibang bansa at ang pagpaparami muli ng mga alaga para makabawi sa pinsalang idinulot ng African Swine Fever.

“Pinag-aaralan pa po yan. Bagamat ang talagang solusyon sa kakulangan ng supply ng baboy ay iyong pag-angkat at saka iyong repopulation natin ng mga nasalantang populasyon ng baboy dahil nga sa ASF,” ani Roque.

Tinututulan naman ng hog raisers sa bansa ang planong importasyon ng supply ng karne ng baboy dahil ito umano ang papatay sa kanilang hanapbuhay at sa industriya ng pag-aalaga ng baboy sa bansa.

The post Pag-extend ng price ceiling sa karne pinag-aaralan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-extend-ng-price-ceiling-sa-karne-pinag-aaralan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pag-extend-ng-price-ceiling-sa-karne-pinag-aaralan)