Ikinabahala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang utos ng Department of Education (DepEd) na bilangin ang mga guro na miyembro ng mga militanteng grupo.

Batay sa nakuhang impormasyon ng ACT, ipinag-utos ni Education Undersecretary Revsee Escobedo sa mga division office na bilangan ang mga miyembro ng ACT at Teachers Dignity Coalition (TDC).

“Bakit at para saan?” tanong ni ACT Secretary General Raymond Basilio.

Naniniwala ang ACT na “in bad faith” ang utos na ito lalo at patuloy na hindi pinagbibigyan ng DepEd ang kanilang hinihiling na dialogo kahit pa accredited ito sa 12 rehiyon at exclusive negotiating agent (SENA) sa lima pa.

“This is eerily reminiscent of the 2019 police profiling of our members, which preluded worse attacks on our members and on our very organization. And DepEd has done nothing to protect us from these,” ani Basilio.

Dalawang guro na aktibo sa unyon—sina Lai Consad at Nestor Ada, ang inaresto umano matapos taniman ng ebidensya.

“So we’re understandably alarmed at your sudden interest with our members,” dagdag pa nito.

Nanawagan si Basilio sa DepEd na agad itigil ang ginagawa nitong profiling at sa halip ay makipagdayalogo sa ACT.

Ang DepEd ay miyembro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tinutuligsa sa ginagawa umano nitong red-tagging sa mga militanteng grupo.

The post Pagbibilang ng DepEd ng mga progresibong guro ikinaalarma first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbibilang-ng-deped-ng-mga-progresibong-guro-ikinaalarma/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbibilang-ng-deped-ng-mga-progresibong-guro-ikinaalarma)