Hinimok ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte ang gobyerno na magsagawa ng mas agresibong testing drive sa bansa gamit ang rapid antigen test.

Aniya, ang mas agresibong Test, Trace, Treat (T3) drive ang “best shot” sa pagpigil sa pagtaas ng COVID case sa hinaharap habang naghihintay pa ng pagdating ng mga inorder na bakuna.

Hindi lamang aniya sa mga lugar sa “NCR Plus” dapat isagawa ang antigen testing kundi sa buong sulok ng bansa.

Binanggit niya ang assessment report ng World Bank (WB) kung saan sinabing ang pagsandal ng Pilipinas sa mahabang lockdown kapalit ng test-based strategy simula ng pandemya ay responsable sa patuloy na paghina ng ekonomiya, sa panahon kung kailan nagsisimula nang bumangon ang ekonomiya ng ibang rehiyon.

Ayon sa WB, nagsasagawa lamang ang Pilipinas ng 17 test kada kumpirmadong COVID-19 case kumpara sa 4,277 test ng Vietnam; 2,080 ng Laos; 1,853 ng China; 897 ng Cambodia at 244 ng Malaysia.

Pinunto rin ni Villafuerte ang paggamit ng mas murang antigen test ng Amerika, Canada, Italy, France at Germany upang maiwasan ang delay sa pag-detect, pag-trace at paggamot sa mga COVID-infected.

The post Paggamit ng antigen test nationwide sinulong ni Villafuerte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paggamit-ng-antigen-test-nationwide-sinulong-ni-villafuerte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=paggamit-ng-antigen-test-nationwide-sinulong-ni-villafuerte)