Walang nakikitang panganib sa paggamit ng magkaibang brand ng bakuna.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination.

Sinabi ni Dr. Bravo na bagama’t wala pang pag-aaral, ginagawa ito at wala namang nakitang pinsala.

“It remains to be investigated. But there is no harm. In general maraming nangyayaring ganyan, even before, hindi lang dito sa maaaring mangyari sa COVID,” ani Dr. Bravo.

Pero nilinaw ng eksperto na wala pang gumawa ng pag-aaral na ihalo ang isang bakuna sa iba pero dahil sa nakikitang kakapusan sa supply ng COVID vaccine, nag-iisip na aniya ang ibang kumpanya na gumamit ng ibang brand.

Sa paniwala ni Dr. Bravo, magkakatalo lamang sa bisa kapag magkaibang brand ng bakuna ang gagamitin dahil sa isyu ng kakapusan sa supply ng bakuna.

“May possibility talaga na mag-iiba kung ang ginamit mo ay ibang bakuna. Posibleng magdagdag ka ng efficacy or tumaas, posible ring bumaba or posibleng the same, it remains to be seen. Pero hindi masama, hindi makakasama kung makapag-iba or mabago,” dagdag ni Dr. Bravo.

Bagama’t nailarga na ang vaccination rollout sa bansa, may problema pa rin sa supply dahil unti-unti ang pagdating ng mga bakuna sa bansa.

Aileen Taliping

The post Paggamit ng magkaibang brand ng bakuna puwede – expert first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paggamit-ng-magkaibang-brand-ng-bakuna-puwede-expert/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=paggamit-ng-magkaibang-brand-ng-bakuna-puwede-expert)