Inendorso ng 72 kongresista ang panukalang pagbalangkas ng iisang government mobile application kung saan maaaring makapagtransaksyon ang isang indibidwal sa gobyerno.

Ang panukalang Government Mobile Applications Act (House Bill 9142) ay inendorso ng House Committee on Information and Communications Technology sa House Committee on Rules upang matalakay sa plenaryo ng Kamara de Representantes.

Sa ilalim ng panukala ay pag-iisahin ang mga kasalukuyang gateway ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng Transcendent Unified Government Mobile Application (TUGMA), isang software program na maaaring tumakbo sa mobile phones, tablets o anumang katulad na gadget.

Ang Department of Information and Communication Technology (DICT) ang inatasan na manguna sa paglinang ng TUGMA.

Dapat ay makukuha sa naturang aplikasyon ang mga detalye kaugnay ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama ang mga lokal na pamahalaan.

Dapat ay maaari rin itong magamit sa pag-aplay, pagrehistro o pagkuha ng mga serbisyong ibinigay ng gobyerno.

Ang TUGMA ay dapat mayroon ding kakayanan na magproseso ng mga dokumento at request gayundin ng mga reklamo, komento at suhestiyon.

The post Paggamit ng solo gov’t mobile app aprubado sa House panel first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paggamit-ng-solo-govt-mobile-app-aprubado-sa-house-panel/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=paggamit-ng-solo-govt-mobile-app-aprubado-sa-house-panel)