Hinimok ni Senador Nancy Binay ang Bureau of Internal Revenue at ang Department of Finance na isaalang-alang muli ang desisyon ng mga ito na huwag i-extend ang April 15 deadline para sa paghahain at pagbabayad ng taunang income tax returns (ITR) para sa taong 2020.

“I-extend na lang sana ang April 15 deadline, kahit na sa NCR Plus lang. We already extended last year dahil sa enhanced community quarantine. Nasa parehong sitwasyon tayo a year later, kaya hindi ko naiintindihan bakit hindi mapagbigyan,” panawagan ni Binay.

Nauna nang inihayag ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa na hindi nila palalawigin ang deadline dahil kailangang maabot ang revenue target para pondon ang pandemic response ng gobyerno.

Bagama’t wala nang extension, pinapayagan naman ang mga taxpayer na mag-amend ng kanilang paghahain hanggang Mayo 17 nang walang anumang penalty.

Subalit sinabi ni Binay na ang mga indibidwal taxpayer at maging ang mga micro at maliliit na negosyo ay mahihirapang sumunod dahil sa limitado ang kanilang ang kanilang galaw sa gitna na pinapatupad na lockdown.

“Ang talo kasi rito iyong mga indibidwal at maliliit na negosyo na limitado ang kapasidad na kumpletuhin ang mga requirements dahil sa lockdown. So para sa kanila, walang bearing ang no-penalty amendments dahil baka mismong pag-file hindi nila magawa,” paliwanag ni Binay.

“Hindi naman kasi taumbayan ang may kasalanan kung bakit lumala ang sitwasyon na kinakaharap natin. So why are we passing the buck if they aren’t responsible for the mismanagement of this crisis,” saad pa nito.

Batay sa monthly collection goal ng BIR, target nito na makakolekta ng P235.237 bilyon ngayong Abril.

Sabi pa ni BInay, ang hinihiling na deadline extension ay hindi nangangahulugan na hindi magbabayad bagkus kauilangan lang huwag pagmultahin ang mga taxpayer na hindi makasunod dahil sa nararanasang hirap dulot ng pinapatupad ng lockdown.

“Hindi naman dahil extended ay hindi na magbabayad. Those who are able to will file and pay. Ang panawagan lang naman natin is not to penalize those who are unable to comply because of the difficulties presented by the lockdown,” ayon kay Binay. (Dindo Matining)

The post Paghahain ng ITR i-extend – Binay first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paghahain-ng-itr-i-extend-binay/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=paghahain-ng-itr-i-extend-binay)