Dapat umanong tanggapin at aminin ng gobyernong Duterte ang pagkukulang nito, at hayaan ang mga nais na tumulong sa halip na iugnay sila sa komunismo.

Iginiit ni Magdalo Rep. Manuel Cabochan III, dating miyembro ng Philippine Navy na ang pagtulong ay hindi komunismo kundi pagpuno sa pagkukulang ng gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga nagugutom habang may pandemyang COVID-19.

“Kailangan tanggapin at aminin ng administrasyon na malaki ang kanilang pagkukulang at talagang madami ang nagugutom. ‘Wag na sana nilang hadlangan ang mga taong nag-aambagan para mapunan ang pagkukulang ng pamahalaan. Madalas nilang sabihin sa mga bumabatikos na ‘tumulong na lang kayo’,” sabi ni Cabochan.

Ang ginagawa umanong pag-ugnay ng gobyerno sa mga organizer ng community pantry ay mistulang pagtaboy sa kanila.

Sinabi naman ni Cabochan, miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1995 na hindi nito sinusuportahan ng New People’s Army (NPA) at dapat umanong gawin ng tama ng intelligence group ng gobyerno ang kanilang trabaho.

“Pagkatapos nito, maaaring ma-red-tag din ako ng iilang ahenteng gumagawa lang ng intelligence report sa ilalim ng puno ng mangga. I categorically deny supporting the NPA. Hindi ako kasapi nito at naniniwala ako na they are enemies of the State. Kaya naniniwala ako na walang puwang na ikonekta sila sa napakabuting intensiyon ng inisyatibong ito,” wika pa ni Cabochan.

The post Pagkukulang dapat aminin ng gobyerno – solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagkukulang-dapat-aminin-ng-gobyerno-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagkukulang-dapat-aminin-ng-gobyerno-solon)