Mistulang ipinagtanggol ng kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas ang gobyernong Duterte sa banat ng mga kritiko na kawalang-kakayahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pagtugon sa COVID-19.

Sinabi ni WHO Country Representative Dr.Rabindra Abeyasinghe na hindi lamang ang Pilipinas ang mayroong pagtaas ng kaso ng COVID-19 kundi marami pang mga bansa sa mundo at hindi ito indikasyon ng kawalang kakayahan ng mga opisyal ng gobyerno.

Pangunahing dahilan aniya sa pagtaas ng COVID cases na naman sa maraming bansa at ang paglutang ng maraming variants na napakabilis kumalat sa mga tao.

“The Philippines is not unique in seeing an increase, and this increase is not attributed in any way to a lack or incompetence,” ani Dr. Abeyasinghe.

Bukod sa ” variants of concern”, sinabi ni Dr. Abeyasinghe na marami pa rin ang hindi seryosong sumusunod sa minimum public health standards at ang iba ay tila napagod na sa pagsunod sa paggamit ng face mask, face shield at pagsunod sa social distancing.

Mahalaga aniyang makipagtulungan ang publiko sa gobyerno para matigil ang pagkalat ng kontaminasyon at sumunod sa mga basic health at quarantine protocols para mapababa ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Mahalaga rin aniyang paigtingin pa ang testing, tracing , quarantine at isolation para hindi magkahawa-hawa sakaling mayroong isang nagpositibo na nakihalo sa mga walang impeksiyon ng COVID.

“We need to continue to invest and work towards strengthening our preparedness and response capacities on the ground especially in diagnostics, contact tracing , quarantining and isolation of infected people or exposed people,” dagdag ni Dr. Abeyasinghe.

The post Paglobo ng Covid case hindi dahil sa incompetence – WHO first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paglobo-ng-covid-case-hindi-dahil-sa-incompetence-who/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=paglobo-ng-covid-case-hindi-dahil-sa-incompetence-who)