Dapat tantanan na ng otoridad ang pagpataw ng malulupit na parusa, ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos niyang mabalitaan na tinanggal na sa posisyon ang hepe ng General Trias, Cavite kasunod ng pagkamatay ni Darren Manaog Peñaredondo, isang curfew violator na 300 beses umanong pinag-pumping exercise ng pulisya.

Sa Twitter, pinunto rin ng solon na katulad ni Peñaredondo si Geoge Floyd, ang Black American na tinuhod ng isang puting Minneapolis police sa leeg sa loob nang halos 9 minuto.

“Cruel & degrading punishments are clearly against our laws. This should be understood by law enforcement agents: bawal ang parusang pushups at kung ano pang pananakit,” tugon ni Zarate sa isang Twitter news report, Abril 7.

“Dapat itigil na ito at panagutin ang mga dapat managot. ‘Pagsibak’ is not enough,” aniya pa kalakip ang hashtag na #DarrenPeñaredondoIsGeorgeFloyd.

Napag-alaman ng Philippine National Police sa affidavit ng dalawa pang curfew violator na pinilit nga sila ng pulis Gen. Trias na mag-physical exercise bilang parusa.

The post Pagsibak sa Gen. Trias chief kulang – Zarate first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagsibak-sa-gen-trias-chief-kulang-zarate/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagsibak-sa-gen-trias-chief-kulang-zarate)